(My first Tagalog poem. If I don't count that one I submitted for Filipino 12)
Nakapulupot ang buhay ko sa buhay mo.
Nakapulupot ang buhay ko sa buhay mo.
Kamay, braso, hita ko’y nakadikit
Sa kamay, braso’t hita mo.
Ang puso ko ay nakaepoxy sa iyong puso
Sa ayaw natin o sa gusto
Ang mga araw at taong pinagdaanan ko’y
Hindi mapipilas sa kwento ng iyong nakaraan
Ang kasalukuyan ko, ang gagawin ko ngayong araw na ‘to
Ay ano pa, e di nakatahi sa araw mo
At bukas, ikaw pa rin ang aking kambal tuko
Kahit subukan kong pumiglas
Kahit minsan sa iyong mukha ako’y nababanas
Kahit parang masmadaling dumiskarte ang mag-isa
Kahit minsan ayoko na talaga
Bakit parang hindi kaya pag ika’y wala?
Nakapulupot ang buhay ko sa buhay mo
Sa gabi pag natutulog, ang higpit ng yakap mo
Sa araw kahit wala ka ay parang nandyan ka pa rin
Nagkabuhol buhol na ang mga parte ng katawan natin
Kahit si Dr. Kwak Kwak ay hindi tayo kayang paghiwalayin.
Para tayong preso ng isa’t isa
Magparole man, hindi pa rin tatakas
Nakapako tayo sa package deal na pangako
Nagsumpaang walang iwanan
Life sentence na nga ba ‘to?
Nakatali,
Nakaganchilyo,
Pinagdikit ng rugby,
Nakakandado at tinapon ang susi,
Nakapulupot ako sa’yo.
Nakapulupot ang ating mga ugat
Mga bituka nati’y naka-superglue
Nakapalupot ang buhay ko sa buhay mo
Dinikit ng kola ng panahon, ng karanasan, ng kasal na legal,
Ng pangagailan, at higit sa lahat, ng malagkit na pagmamahal
0 comments:
Post a Comment